Dahil nag-iintay ka, nakipag-tawaran ako

Aaminin ko, natakot ako kagabi.

Araw-araw naman akong natatakot.

Pero iba ang takot ko kagabi, ang dami lang k’seng first time.

First time na ‘di man lang s’ya nagparamdam na parating. Isang biglaang bagsak ng atomic bomb sa utak. Kasunod ang malamig na pawis. At paglabo ng mga bagay-bagay.

Dahil ramdam kong susuka ako sa tindi ng sakit ng ulo ko, napababa ako ng bus ng wala sa oras. Pagkababa ko ay kinuha ko na ang phone ko at nagmessage sa’yo. Nanginginig na ang mga  kamay ko pero pinilit kong tapusin:

Pagbuksan mo ako mamaya ng pinto, babalik ako, mukhang di ako aabot ng bahay,

Nanginginig man ang mga tuhod ko pinilit kong maglakad. Ramdam kong babagsak na ako sa kalsada sa pagitan ng Bldg. A at B.

Konti pa, konti pa…

Nabitawan ko na ang phone ko, kasunod na ang pagbagsak ko sa tabi ng kalsada. Hinahati man ang ulo ko pero ayokong sukuang piliting paganahin ang utak ko…

‘Di ako p’wedeng magshutdown, ‘di ako p’wedeng magshutdown, ‘di ako p’wedeng magshutdown…

Ramdam ko na ang pagpatak ng luha mula sa mata ko habang wala nang pakiramdam ang buong katawan ko. Matinding takot ang nararamdaman ko. Matinding takot na mauubos na ang lakas ng utak ko at susukuan na ako.

‘Di ako p’wedeng magshutdown, ‘di ako p’wedeng magshutdown, ‘di ako p’wedeng magshutdown… ‘Wag ngayon… ‘Wag ganito.

Natakot akong mawalan ng malay kaya pinuno ko ang isip ko ng pag-iisip sa’yo. Nag-iintay ka, ‘di pwedeng ‘di ako dumating. ‘D p’wedeng mawala ako ng ganito, ‘di ganito.

Kung sa ibang pagkakataon siguro ay magpaparaya na lang ako.

Pero dahil nag-iintay ka, nakipag-tawaran ako.

‘Di ko alam bakit ako natatakot samantalang nung una palang ay sinabi na nilang kung hindi ko itutuloy ang pagpapagamot ko ay mararanasan ko ang mga bagay na ‘to. Pero alam naman naming kahit magpatuloy ako magpagamot ay mararanasan ko rin naman. Sa totoo lang, ‘di ko na alam ang pagkakaiba.

Pero nalagpasan ko naman ‘di ba? Nakarating ako. Natagalan pero nakarating ako.

————————————————————-

Hindi ko alam kung hanggang kelan ako makikipagtawaran.

Kung tama pa bang makipagtawaran pa.

Parang ayaw na ng katawan ko, pero ‘yung utak ko lumalaban pa.

Pero dahil nag-iintay ka, makikipag-tawaran ako.

Hanggang kaya, makikipagtawaran ako.

 

 

 

 

 

Advertisements

Para sa’yo na ‘di ko na-message ng ‘Good Morning’

‘Di ko alam kung anong oras ako ginising ng sakit ng ulo ko. ‘Di ko din alam kung anong oras na ako nakatulog paghupa ng sakit. Kung anong oras ako uli ginising ng pakiramdam na binibiyak ang ulo ko at kung anong oras ako muling pinabagsak ng panghihina ko after ng sakit.

Bagsak. Wala akong lakas kahit sa pagdilat ng mga mata ko. Sobrang bagsak ang katawang lupa na ‘di ko namalayan ang mga tawag mo at mga message mo. Kung dati ay laging naka-silent ang phone ko, ngayon ay hindi na, pero wala akong narinig.

Hinang-hina ang katawan ko paggising ko. Ilang minuto nang gising ang isip ko pero ayoko pang dumilat. Hanggang marinig ko ang boses ng kapatid ko sinabing “Alam kong gising ka na. May tumatawag sa’yo kanina”. Hinanap ko agad ang cellphone.

Ikaw agad ang naisip ko.

Ikaw nga.

Wala namang ibang maghahanap sa akin.

————————————-

Nasanay na akong sisimulan ang umaga ko sa pagsasabi ng Good Morning o Magandang Umaga sa’yo. Alam kong nasanay ka na din na ako ang bubungad sa umaga mo. Ang hirap talaga masanay. Bakit ba k’se sinanay pa natin ang mga sarili natin sa ganitong mga bagay? Parang pagmemessage lang sa buong araw na lagi kong sinasabing babawasan ko na pero ‘di ko pa din nagagawa. Parang pagchecheck lang sa’yo na sinabi ko nang titigilan ko na dahil alam ko namang you’re strong and independent woman, pero hanggang ngayon ginagawa ko pa din.

‘Di ko alam kung nasanay lang ba talaga ako o sadyang ayaw ko lang talaga alisin sa sistema ko ang mga bagay na ‘to.

O sadyang ‘di lang talaga ako matahimik na ‘di gawin ang mga bagay na ‘to.

Dahil alam kong nasanay ka na at mag-aalala ka lang kung ‘di ko na gagawin ang mga bagay na ‘to.

Ayokong masanay ka pero patuloy ko pa ding ginagawa.

————————————-

Nakakatawa tayo. Sa panahong alam nating nagka-countdown na ako saka pa natin sinanay ang mga sarili natin sa mga gan’tong bagay. ‘Di kaya mas pinapahirapan lang natin ang mga sarili natin?

Gusto ko  nang maging insensitive at ‘di ka na isipin pero laging may reason para mag-alala ako sa’yo.

————————————-

Kung sakaling ‘di ako makapag-good morning, ‘wag ka na mag-alala, alam mo namang ayokong nag-aalala ka. Isipin mo na lang na ‘di ko man na-text, alam mo namang sa puso ko, ang gusto ko lagi kang masaya sa t’wing umaga… para buong araw masaya.

————————————-

Alam mo namang gusto ko lagi kang masaya kaya ‘wag ka na mag-alala ha?

————————————-

Isipin mo na lang na late lang…

————————————-

Panghawakan mong pipilitin kong gumising para makapag-good morning.

 

Para sa’yong sensitive sa araw na ‘to

80 days na mula nung unang private message nating dalawa. Sino ba ang mag-aakalang sa lahat ng taong pwede kong sabihan ng tungkol sa sakit ko eh sa’yo ko pa nasabi. Samantalang sa unang pagkakataong nakita ko ang picture mo eh naisip ko nang ‘di tayo magkakasundo. Mukha kang masungit. Boss. Ako, busabos. Naalala ko pa nung una nating pagkikita kasama ang grupo. Likas na lang sa akin na maging gentleman kaya inalok ko sa’yo ang upuan sa tabi ko. Pero sa loob-loob ko ay kabadong-kabado ako. Ano naman k’se ang sasabihin ko sa’yo? Wala akong alam na common ground natin na pwede nating pag-usapan. Isang blog post mo lang ang natatandaan kong binasa ko✌️. Nakahinga na lang ako nung nagpaalam kang lilipat ng upuan. Hindi naman sa ayaw kitang katabi. ‘Di lang talaga ako mapakali. At oo, medyo natatakot talaga ako sa’yo nung mga panahon na ‘yun.

Siguro nga madami talagang nagagawa ang pakikipagchat sa pagkakaroon ng instant connection ng mga tao. Nagsimula tayo sa simpleng takas na convo dahil tawang-tawang tayo sa gc, hanggang napag-usapan natin ang pag-ibig ko, ikaw ang kachat ko sa mahaba kong byahe papuntang Simala, hanggang sa usapang gitara at kung anu-ano pa. Nasanay na akong mag-good morning sa’yo everyday at nasanay ka na ding good morning ko ang bubungad sa umaga mo.

80 days.

‘Di ko alam kung paano naging sapat ang 80 days para maramdaman ko ang nararamdaman mo kahit na 38 kilometers ang layo nating dalawa. ‘Di ko alam kung paanong sa loob ng 80 days alam mong lasing ako kahit na walang bahid ng pagkalasing ang message ko sa’yo. ‘Di ko alam kung paanong sa loob ng 80 days alam na natin kung kelan natin kailangan ang isa’t isa.

‘Di ko alam bakit kahit wala kang sinasabi eh nararamdaman ko ang nararamdaman mo. Napansin mo naman siguro, nag-pm na ako sa’yo. At nang ‘di na ako mapakali ay tinawagan na kita.

Nakailang sulat na din ako sa’yo dito. Alam mo na ang mga gusto kong sabihin sa’yo. Alam mo na ang mga gusto ko para sa’yo. At alam mo kung bakit ako nagkakaganito.

8 days pa lang tayo nagkasama. 80 days na magkachat.

Kayo na ang maalala ko sa t’wing makakakita ako ng spam at egg. Kayo na ang maalala ko sa kung anumang icecream.

Ikaw na ang maalala ko sa mangga at singkamas, at bagoong.

Gusto kitang bantayan kung pwede lang, alam ko naman k’seng prone ka sa mga cuts and bruises na ‘di mo malaman kung saan mo nakukuha. Gusto kitang bantayan kung pwede lang, from those guys na sasaktan lang ang puso mo. Kung pwede lang na ako ang nasa first line of defense mo na ako na muna ang sasalo ng pain physically and emotionally. Alam mo namang magaling ako sa mga pain na ‘yan. Pero gaano ko man kagusto na iiwas ka from those pain, alam naman nating ‘di ko magagawa. Alam ko namang ang magagawa ko lang ay ipaalam sa’yo, ipaalala sa’yo, na lagi kaming andito para sa’yo. Na lagi akong andito para sa’yo.

Gusto ko nang putulin ang connection ko sa mga tao sa paligid ko para maging madali na sa akin ang mga parating na araw. Alam mo naman, nasabi ko naman na sa’yo, ayoko talagang maging pabigat sa mga tao sa paligid ko.

Sinabi ko na sa’yo na babawasan ko na ang pagmessage sa’yo para mas madali na ang magiging transition kapag nawala na ako. Pero ‘eto, ako ‘tong makulit.

Dinadasal ko lagi na dumating ‘yung taong magmamahal sa’yo at mamahalin mo, ‘yung maiintindihan ka, irerespeto ka at papasayahin ka. Hindi man perpekto pero pipilitin maging best para sa’yo. ‘Yung ‘di maghahanap ng iba, ‘yung magiging open sa’yo sa lahat ng bagay. ‘Yung taong hahayaan kang maggrow at magiging masaya na masaya ka. Oo, strong and independent woman ka, pero kailangan ka pa din n’yang alagaan, kailangan n’ya pa ding maging sensitive enough para sa’yo.

Dahil in coming days baka mawala na ako, swerte na kung sino man ‘yun dahil ‘di na nila kailangang dumaan sa background investigation ko.

Mahal ka namin, alam mo ‘yan. Mahal na mahal.

Para sa pinakamamahal at pakamamahalin kong blogger

Di uso ang April Fool’s Day sa akin, walang halong kalokohan ang mga mababasa mo. Sadyang gusto ko lang maisulat na ang mga bagay na ‘to, bago ko pa man malimot at hangga’t kaya ko pang isulat.

Nagtagpo tayo sa panahong nakikipagbuno ako sa desisyon ng paghihintay at pagbitaw. Sa comment section sa mga sulat ko sa kanya tayo unang nagkapalitan ng mga emoji, at ng mga salita. Hanggang naging tambay na ako sa blog mo. Na sa pagtambay ko eh nabuo na sa utak ko na pupuntahan ko ang mg lugar na naikwento mo. Na sa pagtambay ko sa blog mo eh ninais ko nang makinig na lang sa mga kwento mo ng buhay at paglalakbay.

Minessage kita sa FB page mo kasama ang drawing ko ng map ng mga pinuntahan mo. Naipangako ko ‘yun sa isa kong comment at nung nagkaroon ako ng pagkakataon ay ginawa ko. Natuwa akong natuwa ka, na shinare mo pa sa iba. Kung alam mo lang kung gaano nagsara ang mata ko at kung gaano muntik mag-abot ang mga tenga at labi ko sa sobrang ngiti.

Natagalan bago kita uli namessage. Nagtatalo pa rin sa isip ko ang paghihintay at pagbitaw sa kanya. Pero alam ko noon pa man, gusto na kita.

Hinangaan ko kung paano ka magsulat, kung paano mo ako dinala sa mga lugar through your stories. Hinangaan ko kung paano mo ako naitulak balikan ang bundok. Hinangaan ko kung paano mo kinausap ang puso ko through your words. Alam ko namang hindi para sa akin pero sobrang tama nung mga timing nung mga post na nabasa ko, at that very moment na kailangan ko sila.

Sobrang nagpapasalamat ako sa blogging group na naging daan para makilala kita. Sobrang nagpapasalamat ako sa mga taong inaccept ang pag-add ko sa kanila sa kagustuhan kong magkaroon tayo ng common friend at ma-add kita sa FB. Sobrang nagpapasalamat ako sa planong meet-up na naging umpisa ng pagchachat natin.

Sobrang nagpapasalamat pa rin ako sa mga kasama mong nahuli ang dating sa Davao para sa pag-akyat n’yo sa Apo. D’un nagsimula ang mas mahaba-haba nating kwentuhan, nung mag-isa ka sa Davao nag-iintay sa mga kasama mo na kinabukasan pa ang dating. Buti na lang mainit at tamad na tamad kang lumabas, napagtyagaan mong makipag-chat na lang sa akin pampalipas ng oras.

Siguro nga sobrang babaw. Siguro nga sobrang bilis. Pero sa tagpong ‘yun, pinili kong bitawan ang pagmamahal ko sa kanya at kilalanin ka.

At sa unang tatlong araw ng pagpili ko na kilalanin ka ay nasubok na agad ang aking pag-iintay. Dahil sa bundok ay walang signal.

Kung alam mo lang ang bilis ng puso ko ng nagmessage ka uli. Kung paanong nakahinga na ako ng maluwag nang malaman kong okay ka na at pauwi na kayo.

Sobrang masaya akong kausap kita habang nasa byahe ako, bago ako matulog at paggising ko. Sobrang masaya akong kausap ka habang nag-iintay ng time-in ko sa trabaho nung Pasko at Bagong Taon. Sobrang masaya akong kausap ka sa araw-araw. Sobrang masaya na ako sa tatlong oras na nakasama ko kayo nung pumunta ako ng Cebu. Sobrang masaya ako sa mga sumunod pang araw na kausap kita sa kung anu-anong bagay under the sun.

In between sa masasayang araw ko with you, I had my worst headache episodes, madalas na blurred visions na inisip kong dahil sa stress sa work at kakulangan sa tulog. Though kinabahan din ako dahil nga may history na ako ng pagkabulag before kaya nagpacheckup na ako.

Gusto kitang tawagan at that very moment na nalaman ko ang condition ko.  Pero naalala kong ‘di tayo okay sa araw na ‘yun. ‘Di ka nagmessage the whole night at ‘di nagreply sa buong umaga. Nakakatawang keysa isipin ko ang balitang narinig ko ay mas pinili kong icheck ang blog mo at magbasa. Kung alam mo lang kung paanong napapakalma ng mga isinulat mo ang nerves ko. Kung alam mo lang kung paanong sa simpleng pag-isip sa’yo nagiging okay na ako.

At sa mga araw na lumipas na ‘di ko masabi kahit kanino ang sakit ko, naging payapa ang puso ko dahil sa’yo. Though ‘di rin naging permanente dahil inuusig ako ng konsensya ko kaya sinimulan ko na ang pagsusulat sa’yo dito. Nakakatawa ngang nakilala mo ako agad. Na sana mapatawad mo ako sa pag-deny ko. Sorry kung ‘di ko nasabi ng derecho. Sorry kung ilang beses na dineny ko sa’yo. Sorry kung sa dinami-dami ng napag-uusapan natin, ‘di ako nakapag-open sa’yo. Sorry kung mas pinili kong maging masaya na kausap ka na nilagay ko sa isang tabi ang mga importanteng bagay na sana sinabi ko sa’yo.

‘Di ko pa rin alam kung bakit biglang ‘di ka na nagreply. ‘Di ko alam kung dahil sa nagsinungaling ako, kung dahil dineny ko ang tungkol dito o dahil ayaw mong mahalin kita.

Kung anuman ang rason ay mauunawaan ko. Kasalanan ko naman talaga at alam kong sobrang kumplikado kong tao. Sobrang selfish ko nga na isama ka sa napakagulong mundo ko.

Salamat sa madaming bagay.

Salamat k’se dahil sa’yo nagdagdag ako ng friends sa FB. Salamat sa pagtulak mo na pumunta ako sa meetup. Salamat k’se dahil sa’yo nakilala ko sila, dahil sa’yo lumabas ako ng mundo ko.

Salamat sa mga oras na kausap kita about sa kung anu-anong bagay sa ilalim ng araw at buwan. I survived my dark days dahil sa mga pag-uusap natin na ‘yun. Natagalan ko ang unang buwan ng struggle ng meds dahil sa’yo. Andung gusto ko nang sumuko pero biglang pag nagmessage ka na, itatabi ko na ang mga dark thoughts ko. ‘Pag kausap kita, okay lahat, gusto kong maging okay lahat. Ang second month ay umikot pa din sa pag-iisip ko sa’yo. ‘Di ka man na nagrereply, ‘di man na ako masyadong nagmemessage pero alam mong walang araw na hindi ko ichecheck ang FB posts mo at IG story mo, sa ganung paraan man lang malaman kong okay ka. ‘Yun lang naman ang gusto ko, ang malamang okay ka.

Siguro nga sobrang babaw. Siguro nga sobrang bilis. Nakakatawang sinabi ko sa’yo na nasa point ako ng buhay ko na ang pamantayan ko sa mamahalin ko ay kung kaya naming mag-usap the whole day, na ‘di kami mauubusan ng kwento. Sinabi ko pa sa’yong hihintayin ko na lang na 75 na ako at 65 na s’ya. Alam mo namang ikaw ang tinutukoy ko nung sinabi ko sa’yo ‘to. Sinabi ko sa’yong siguro sa panahon na’yun wala nang kokontra, pwede na tayong mag-usap na lang sa buong araw at magdamag. Ano pa nga ba ang gagawin natin pagtanda natin ‘di ba?

Kaso mukhang malabo na ang pagtanda sa case ko.

Nakakatawang andaming bagay na gusto ko pang sabihin sa’yo. ‘Di pa din nauubos kahit ilang oras pa tayong mag-usap sa araw-araw n’un.

At ang haba na nga nito. Pero ang dami ko pa ding kwento.

Siguro dito na muna.

‘Yun, ingat ka.

 

Subukan ko lang?

Para sa’yo Charm Expert/ Master of Blackmailing,

Buong araw ko iniisip ang isasagot ko sa linya mong “Subukan mo lang”. With the blue sky and the blue sea, huni ng ibon at tunog ng hangin at mga dahon sa background, kasama ng Redhorse at pulutang Lala, iniisip ko ang isasagot ko sa linyang ‘yan.

Nagpasya na lang akong umuwi, wala pa din akong naisip na isasagot ko. Tumayo na ako, nagligpit. Nang may isang babaeng lumapit sa akin.

“Aalis ka na? Kakarating ko pa lang…”, sabi n’ya.

“Ubos na din k’se kaya aalis na ako. Saka medyo antagal ko na din dito… Parang naka-180 degrees nang ikot si Haring Araw… Pero kung gusto mo, sige bibili pa ako.”

‘Di na ako nag-intay sa sagot n’ya, kung sabagay wala naman akong tanong na kailangan n’yang sagutin, automatic na lumakad ako papuntang tindahan, bumili uli ng Redhorse at Lala.

“Ibang klase ka din ‘no? Mula tanghali andito ka na, mag-isa ka lang umiinom, may pinagdadaanan ka ba? D’yan lang kami naka-stay sa malapit. Napagpustahan ka namin. Natalo ako. ‘Di ka man lang k’se lumipat ng pwesto kahit tirik na ang araw sa’yo. Ilang oras ka dito? Apat? Lima?”

‘Di ko alam kung anong mararamdaman ko sa mga sinabi n’ya. ‘Di ko nga alam kung naiintindihan ko ba ang sinabi n’ya.

“Katext ko ‘yung kaibigan ko kaya siguro napalipas ko din ang oras na ‘di ko namamalayan, o siguro k’se umiinom ako.”

At natagpuan ko na lang ang sarili kong nagkukwento sa kanya tungkol sa mga nakaraang sulat, napunta sa charm at blackmail, hanggang sa kung paano ko sasagutin ang linya mong “Subukan mo lang”.

Tawa lang s’ya ng tawa sa kwento.

At sa kung anong parte ng kwentuhan ako nakatulog ay ‘di ko na maalala.

Hahahahahaha. Nakatulog ako habang may kausap! O baka naman nagpaalam ako sa kanya na matutulog na ako na ‘di ko na lang maalala.

Nagising na lang akong madilim na ang paligid, nilalamok na ako, at wala na akong kasama.

Chineck ko agad ang cellphone at wallet ko. Kumakaripas ang tibok ng puso ko. Whew. At sa awa ng Bathala ay andun pa naman sila.

Nagcheck agad ako ng message mo.

Nagcompute ng oras.

Almost 3 hours mula nung huling text ko sa’yo.

Nagmadali na ako umuwi.

Pwede kong sabihing nakatulog ako agad pagkauwi kaya ‘di kita namessage. O pwede kong ‘di na lang banggitin na kakauwi ko pa lang.

Pero nagsabi pa din ako.

Pero sa abot ng makakaya ko ay sinubukan kong ilayo ang usapan hanggang makalimutan mo na ang almost 3 hours difference ng pag-uwi ko.

Pero ‘eto ako ngayon kinukwento din naman sa’yo.

Sinubukan ko nang idelete ang ilang mga pangyayari, pero in the end babalikan ko din at irerestore from recycle bin at ikukwento pa din sa’yo.

Nagtagumpay ako sa bahaging nasubukan kong ‘di magsabi sa’yo.

Though ‘di ko napagtagumpayan ang pagsustain at panindigang ‘di sabihin sa’yo.

Nasubukan ko.

Ayoko ng pakiramdam.

Pwede ko pang subukan uli.

Pero ang tanong: mapapanindigan ko ba?

Ikaw na ang Charm Expert at Master of Blackmailing.

Medyo natagalang response sa response mo

Hindi ko inaasahang makakapalitan kita ng sulat dito. Sa kung paanong ‘di ko inaasahang sa’yo ko masasabi ang mga bagay-bagay na nangyayari sa buhay ko.

Hindi ko din inaasahang babaliin ko ang mga rules sa buhay ko dahil sa sulat mo.

Kasalukuyang naglalakbay ako sa gitna ng dagat, 5 hours and 11 minutes and counting. At sa pag-upo ko sa dulo ng barko, habang tinitingnan ang walang katapusang dagat, naisip kita. Mapapatawad mo ba ako kung ito na ang mga huling salitang matatanggap mo mula sa akin? Mapapatawad mo ba kung ‘di ko tuparin ang pangakong magkikita pa tayo? Mapapatawad mo ba ako kung lamunin na ako ng kahinaan ko sa mga sandaling ito at magpalamon na ako sa mga alon ng dagat.

Sa tatlong araw ng pagbabyahe ko, ilang beses na din akong dinalaw ng mga dark thoughts. Kung pwede lang k’seng padaliin na lang ang mga bagay-bagay. Siguro ‘di mo maiintindihan kung paanong naeentertain ko ang mga gan’ong thoughts. Na sa gitna ng napakagandang dagat, napakagandang langit at mga ulap, madilim pa rin ang mundo ko.

Ilang beses kong sinubukang i-off ang phone ko. Ilang beses kong sinubukang tanggalin ang sim card at itapon sa dagat. Ilang beses kong sinubukang ‘di pansinin ang message mo. At ilang beses akong nagdelete ng reply para sa’yo.

‘Di ko alam kung tamang pinaalam ko sa’yo. Siguro kung ‘di mo alam, mas madali na lang na maglaho. Siguro kung ‘di mo alam, no more second thoughts. Siguro kung ‘di mo alam, tinapos ko na.

Gusto ko nang tapusin pero ‘eto bumabyahe ako para lang makapagdasal sa kung saan-saang lugar. Gusto ko na tapusin pero ‘eto umaasa pa din ako sa mga himala ng bundok, himala ng kung anong santo at himala ng kung sinong albularyo.

Alam ko, tatawanan mo ako sa ginagawa kong ‘to.

Natatawa din ako.

Natatawa na lang akong gusto ko nang tapusin pero aaminin kong gusto ko pa ding umasa.

Sanay ako sa decision na walang what ifs, walang second thoughts, walang looking back…

Sanay akong magkasyang isipin na sila naman ang iniisip ko, at ‘di na mahalagang maintindihan nila ako…

Sanay akong talikuran ang mga bagay-bagay at maglaho na lang…

Sanay akong isiping walang maghahanap sa akin…

Kaya iniisip ko kung tama bang sinabi ko sa’yo.

Alam mo naman na ayokong ayoko na maging alalahanin ng mga tao sa paligid ko.

Mas okay pa sigurong ‘di mo na lang alam para wala ka nang iisipin pa.

Pero habang iniisip ko, siguro wala naman talagang problema na nag-aalala ka. Kaya ko namang ‘di isiping nag-aalala ka.

Ang problema ay nag-aalala akong nag-aalala ka.

Ilang beses kong sinubukang i-off ang phone ko, pero ‘di ko nagawa. Ilang beses kong sinubukang tanggalin ang sim card at itapon sa dagat, na ‘di ko rin magawa. Ilang beses kong sinubukang ‘di pansinin ang message mo, na alam mong ‘di ko nagawa. At ilang beses akong nagdelete ng reply para sa’yo na sa kalaunan ay itatype ko uli para isend sa’yo.

Kung saan saan pa ako naghahanap ng himala, eh ayan ka, katext ko.

Sa ilang taon ng existence ko, napakadali kong talikuran ang mga tao sa buhay ko.

Himalang sa pagkakataon na ‘to, pahirapan ang pag-iwan sa inyo. Sa’yo.

To my other Reader

Ang buong magdamag ay ‘di naging sapat para sabihin ko lahat ng mga bagay na gusto kong sabihin sa’yo. ‘Di ko pala kaya sa harapan. Hanggang sulat lang pala talaga ako. Kapag and’un ka na pala sa sandaling pinaplano mong masasabi mo lahat, wala kang masasabi. Mabablangko ka. Pipiliin mo na lang na maging masaya at ‘di sirain ang “moment”.

Parang kagabi.

Buong araw akong naglalakad, bumabyahe para kitain ang mga dati kong kaibigan at mga dati kong mga naging karelasyon. May mga tiningnan ko lang sa malayo, merong nilapitan ko na parang kunwari ay aksidente ko lang sila nakita at meron namang kinausap ko na nilimitahan ko lamang sa sampung minuto. Sampung minuto lang. Sapat na ang sampung minuto para malaman ko kung kumusta sila, masabing masaya akong malamang okay sila, at masabing lagi nilang iingatan ang mga sarili nila. Hindi ako nagpakita sa kanila para magpaalam, matagal na akong wala sa sa mga buhay nila at ang pagkawala ko ay ‘di magiging malaking kawalan sa kanila. Ginawa ko ‘yun para ipaalala sa sarili ko na magiging okay lahat, mawala man ako, magpapatuloy ang buhay ng mga maiiwan ko. ‘Di ko na dapat pa alalahanin ang part na ‘yun. ‘Di na dapat ako mag-alala. Katulad nila, magiging okay kayo.

Alam mo namang nagdalawang isip ako na sabihin sa’yo ang tungkol sa sakit ko. Alam mo namang ayoko ipaalam kahit kanino. Pero siguro nga, sa mga sandaling ‘yun, ikakasabog na ng dibdib ko na ‘di ko masabi. At and’un ka. At that very moment na automatic na ang luha ko. At that very moment na ‘di ko na alam kung saan ko pa ilalagay ang sarili ko. At that very moment na sobrang hinang hina na ako. At that very moment na iniisip kong ‘di ko na kaya.

And’un ka at that very moment.

At ‘di magiging sapat ang salamat.

Alam kong ‘di ka natutuwa sa mga ginagawa kong mga desisyon pero and’yan ka pa rin. Siguro nga wala ka na lang magawa kundi pagbigyan ang mga kabaliwan ko. Kaya sana para sa ikakatahimik ng loob ko, ‘wag mong kakalimutan ang mga bilin ko.

Lagi ko naman sinasabi, you’re a strong, independent woman, alam mo na ang dapat at ‘di dapat gawin. Though may tendency kami na baby-hin ka pero alam mo namang malaki ang tiwala namin sa’yo na you can do anything wala man kami. Sobrang proud kami sa’yo. Sobrang hanga kami sa’yo.

Humihiling ako kay Bathala para sa taong magpapaganda ng bawat gising mo sa umaga. Para sa isang taong magpapangiti sa’yo sa simpleng text ng “kumain ka na ba?”. Para sa isang taong makakasama mo sa lungkot at saya, sa init at lamig, at sa panonood ng volleyball at Kdrama (o kung busy s’ya at ‘di s’ya makasama sa panonood ay okay nang basta suportahan ka n’ya kung saan ka masaya). Humihiling ako sa Bathala para sa isang taong mamahalin ka at mamahalin mo.

Okay na ako basta okay ka.